Magdamag akong hindi nakatulog. Hindi ko kasi alam kung ano ang magiging kahihinatnan ko kinabukasan. Bagama’t ang magaganap ay isang inaasahan at hindi maiiwasang pangyayari sa kasaysayan ng buhay ko, hindi ko pa rin lubos maisip kung kakayanin ko ang aking pagdadaanan. Ang tanging pinagkukunan ko ng lakas ng loob ay kung paano ko tiniis ang mga pangungutya at pangangantyaw nila sa akin. Halos araw-araw ay naririnig ko sa kanila ang mga salitang nakakarindi at talagang nakakababa ng aking pagkatao. Kaya minsan, ang sama ng loob ko ay ibinubunton ko na lamang sa aking pananahimik at pag-iisa. Sabi ko sa aking sarili, darating ang araw na ang ipinagmamalaki niyo ay magagawa ko rin! At kapag dumating ang panahong iyon, tingnan natin kung hindi niyo ako tatanggapin.
Unti-unti nang lumalagos ang sinag ng haring araw sa kurtina ng aking kwarto. Alam kung hudyat na ito para ako ay bumangon sa aking papag at harapin ang kung anuman ang naghihintay sa akin sa araw na ito. Isang yabag na papalapit ang aking narinig bago pa man ako tuluyang makabangon.
“O Naldo, bumangon ka na diyan. Medyo maaga pa pero marami ka pang kailangang ihanda. Huwag kang mag-alala andiyan naman ang kuya mo, hindi ka niya pababayaan.”, si Tatay, na hindi ako sigurado kung nananakot o nag-aalala. “Saka sandali lang yun, di mo mamalayan.”
Wala akong maramdamang kapanatagan sa mga salita niya. Alam ko kasing siya ang may pasimuno ng lahat. Sa kanya nagsimula ito. Siya ang dahilan kung bakit kailangan kong dumating sa ganitong pangyayari sa aking buhay. Sabi niya kailangan daw. Wala na siyang ibang paliwanag pa, yun lang kailangan daw!
“ Bumangon ka na Naldo at ang kuya mo ay gising na rin. Maaga siyang pumunta sa burol upang maihanda ang lahat para saiyo. Nanguha na siya ng mga dahon ng bayabas na kakailanganin mo. Huwag kang mag-alala anak, kaya mo iyan at hindi ka namin pababayaan ng tatay mo.”, si Nanay naman ang sumunod na pumasok. Hindi ko alam kung bakit wala siyang nagawa ngayong pagkakataong ito.
Si Nanay ang itinuturing kong tagapagtanggol . Siya ang palaging napagsusumbungan ko ng aking mga saloobin at kahit na mga kalokohan. Malugod niya akong pinakikingggan at inuunawa kahit ang mga maliliit na bagay na wala naman talagang kabuluhan. Lagi niya akong inaalo sa mga pagkakataong umuwi ako sa bahay ng umiiyak dahil sa pakikipag-away sa school. At walang nagagawa ang tatay ko pag ang nanay ko na ang tumayong abugado ko.
Pero sa araw na ito parang wala akong nakitang pagmamatigas mula sa kanya sa desisyon ni Tatay. Parang hindi niya kayang salungatin ang tatay ko sa pagkakataong ito. Ni wala man lang akong namasdang pagtutol mula sa kanya nang pag-usapan nila ni Tatay ang mangyayari sa araw na ito. Tuloy napagisip-isip ko kagabi parang pinagkaisahan na ata ako ng aking pamilya.
Maging ang aking kuya, nababanaag ko sa kanyang mga kilos ang excitement. Talagang maaga pa siyang gumising para paghandaan ang araw na ito. Alam ko mahal ako ng kuya ko kaya nga tuwing nakakantiyawan ako ng aking mga kalaro, lagi niyang sinasabi sa akin, “ Hayaan mo Naldo, makakabawi ka rin sa kanila! Ako ang bahala nakausap ko na ang mga Tatay. Pinag-usapan na namin kung kelan.”
At itong araw nga na ito naitakda sa kanilang kalendaryo. Sinabi na nila sa akin dalawang araw ang nakakaraanan ang kanilang mga balakin. Bagama’t hindi ko alam kung matutuwa ako o matatakot. Ngunit sa tuwing maaalala ko ang mga pangungutya na aking naranasan, ang takot ko ay nalalambungan ng determinasyon na kailangan kong gawin ito.
Habang nag-aalmusal kami ay pinag-uusapan nila ang mahahalagang isyu ng aking pagdadaanan. Narinig kong maglalaga raw ang nanay ng talbos ng bayabas. Nakahanda na rin daw ang mga damit, sabi ng nanay na anim na piraso ata ang ginawa niya. Ang tatay naman ay tahimik lang na pinagmamasdan ako. Si kuya ay narinig kong nakausap na raw ang aming Tiyo Nading at naihanda na ang lahat. Sa totoo lang wala akong nalasahan sa sinangag at tuyong dilis na inihanda ni nanay. Nalunok ko man ang lahat ng dumaan sa akin lalamunan, hindi ko talaga alam kung nabusog ako sa agahang iyon.
Pagkakain ay dumungaw ako sa balkon. Tiyempo naming dumaan ang Tiyo Nading ko.
“ O ano Naldo, handa ka na? Isang pukpok ka lang!” sabay halakhak habang tumatalilis.
Hindi ko alam kung iyon ay pananakot o biro. Pero walang biro sa gagawin niya mamaya. Kaya lalo akong binalot ng sindak sa kanyang mga tinuran. Ang mga sumunod na oras ay parang napakatagal. Kahit na anong pamamayapa sa loob ko ng aking nanay ay parang hindi ko maramdaman. Anuman ang sabihin niya ay wala na akong nauunawaan. Ang aking iniisip ay kung ano ang mangyayari sa akin mamaya sa burol. Doon kasi ang katuparan ng lahat ng ito.
Alas –nuwebe y’ medya ng umaga. Ito ang oras na pinakahihintay ng lahat maliban sa akin.
“Halika na Naldo. Andun na sila Tiyo Nanding nag-aantay sa atin.” Ang kuya ko.
Wala akong pagtutol nang akayin ako ng kuya paakayat sa burol. Tanaw ko pa ang nanay ko na nakangiti sa amin at ang tatay kong nakatitig lang mula sa bintana. Bitbit ni kuya, alam ko ang isang pares ng ‘damit’ na ginupit ni nanay mula sa mga lumang tela at ilang talbos ng dahon ng bayabas. Wala akong imik habang umaakyat sa burol. Nagsasalita siya, pero hindi ko na lubos na maintindihan…
“Hindi naman ito masakit Naldo. Parang kagat lang ng langgam. Pagkatapos nun wala na. Ako nga nuon eh…” , patuloy niya pero wala nang salitang pumasok sa aking kamalayan. “Tandaan mo ngunguyain mo itong talbos ng bayabas at pag sinabing ibuga mo, ibuga mo ha?”
Pagdating sa burol, andun na nga ang aking Tiyo Nading at ilang mga pinsan kong nakakatanda at nakangiti lahat sa akin. Pero hindi sa kanila nakatuon ang aking paningin kundi sa isang sanga ng kahoy sa gitna nila na korteng letrang “L” na nakabaligtad at nakatusok sa lupa na animo’y maliit na kobrang handang manuklaw.
Ang mga sumunod na pangyayari ay napakabilis at hindi ko na namalayan. Hindi ko alam kung ano ang mangyayari sa akin. Nagpatianod na lang ako sa kanilang kagustuhan.
“Hubarin mo na short mo.”
Bawat utos na marinig ko ay hindi ko na alam kung kanino nagmumula.
“Lumuhod ka na, Naldo”, naging sunod-sunuran na lang ako sa bawat boses na aking naririnig.
Naramdaman ko ang isang kamay na humugot sa aking kamalayan at parang iginigiya ito sa isang matigas na kahoy. Siguro ang sanga kanina, wika ko na lang.
“ O hala tumingala ka na sa langit at nguyain mo na iyang talbos ng bayabas. Kapag sinabi kong buga, ibuga mo rito sa ibaba mo ha? Sa paligid ng sugat okey?”
Tumingala ako habang puno ang bunganga ng mapait na lasa ng dahong pilit kong nginunguya. Bughaw ang kulay ng panginurin at ang ulap ay parang puting bulak na sumasayaw dito. Yun lang ang naalala ko. Maliban sa isang ibong balinsasayaw na patuloy umiikot sa paligid ng matingkad na araw.
Ang huling nasulyapan ng aking mga mata ay ang kislap ng kutsilyong tinamaan ng sinag ng araw at nakaumang na sa aking pagkalalaki.
“Isang pukpok lang ito at tapos na ang lahat!”
POK!
Isang pukpok lang ang narinig ko at naramdaman ang parang munting kirot sa bahaging iyon ng aking pagkalalaki.
Doon natapos ang lahat. Ang huling mga narinig kong mga salita ay:
“Hahaha TULE na si Naldo! Ayan lalaki ka na, Naldo! Binata ka na!”
At nagdilim ang aking paligid…